Ito'y isang tula ni Ruth Elynia Mabanglo na isinaawit ni Susan Fernandez, isa sa mga mang-aawit na aking pinakatatangi. Una ko itong narining isang gabing may idinaos na pagtatanghal sa Bantayog ng mga Bayani para sa mga nasawi sa Martial Law may ilang taon na rin ang nakalilipas. Kulang ang sabihing maganda ang piyesang ito; sa katunayan, kinilabutan ako ng una ko itong marinig. Tila inaarok ng mangaawit at manunulat ang kaibuturan ng kaluluwa ng isang babaeng naghahangad na siya'y makilala ng lubusan ng kanyang minamahal. Mula noon hanggang ngayon ay nagkaroon na ito ng puwang sa puso ko. Sana'y maibigan niyo rin.
++++++++++
Kung Ibig Mo Akong Makilala tula ni Ruth Elynia Mabanglo
Kung ibig mo akong makilala, lampasan mo ang guhit ng mahugis na balat, ang titig kong dagat -- yumayapos nang mahigpit sa bawat saglit ng kahapon ko't bukas.
Kung ibig mo akong makilala, sunduin mo ako sa himlayang dilim at sa madlang pagsukol ng inunang hilahil, ibangon ako at saka palayain.
Isang pag-ibig na lipos ng lingap, tahanang malaya sa pangamba at sumbat may suhay ng tuwa't ang kaluwalhatia'y walang takda -- ialay mong lahat ito sa akin kung mahal mo ako't ibig kilalanin.
Kung ibig mo akong kilalanin, sisirin mo ako hanggang buto, liparin mo ako hanggang utak, umilanglang ka hanggang kaluluwa -- hubad ako roon: mula ulo hanggang paa.
| |
|